Monday, July 25, 2011

Unica Hija

* FILIPINO time! Masaya tuwing subject namin eh Filipino, nakakatuwa kasi si Ma'am, happy talaga kapag class niya kaya isa siya sa mga paborito ko. :) Hmm. Anyways, Haha! gawa ko 'to nung Filipino time namin nung 3rd year college pa ko. Haha. Nakakatuwa lang kasi naitago ko pa. :) Assignment ata 'to ee, kailangan guamawa ng paragraph about sa sarili ata or 'bout sa family. Kaya ito, ito yung nagawa ko. Haha! 'Di naman ako magaling sa paggawa ng mga ganitong bagay o sa pagkukwento ng buhay pero nakakuha ako ng 20/20 dyan. Hihihihi :D
__________________________________________________________________________
               
                 “Unica Hija”, yan ako sa aking pamilya. Ako lang kasi ang nag-iisang anak na babae at puro lalaki na (dalawang nakatatandang kapatid na lalaki). Bunso din ako, sana nga sumunod na lang ako sa panganay eh, Bakit? Dahil sa ngayon ko lang napagtanto nang ako’y nagkaroon na ng kamuwangan na mahirap din palang maging bunso at nag-iisang babae pa. Iniisip siguro nang karamihan na dahil sa ako ang bunso at nag-iisang babae sa pamilya eh nasusunod lahat ng gusto ko pero sa totoo lang eh hindi. Marahil nung bata ako nadama ko yun na laging nasusunod lahat ng ninanais ko, tipong “Mommy, Daddy bili mo ko nun” o kaya’y “Mommy, Daddy gusto ko nito” na nasusunod naman pero ngayong malaki na ako nag-iba na ng ikot ang mundo. Ganun siguro talaga, walang permanente at ang lahat ay puwedeng magbago. Hindi din ako ang paborito ng mga magulang ko dahil alam ko naman kung sino (Haha!). Pero para sa akin naman, wala naman akong paki-alam kung sino ang paborito ng magulang ko sa aming magkakapatid kung mayroon man. Ang gusto ko lang mangyari eh may boses ang bawat isa lalung-lalo na ako dahil parang hanggang ngayon na nakakatatlong-taon na ako sa kolehiyo ay tingin nila sa akin ay batang musmos na wala pa ding alam sa mga bagay-bagay sa lipunan. Kung pag-uusapan naman ang agwat ng edad ko sa aking mga kapatid, ako lang ang napalayo, sobrang layo. Nagtataka nga ako kung bakit ang layo ng agwat ng edad ko sa kanilang dalawa pero sila magkalapit lang. Labin-tatlong taon ang agwat ng edad ko sa panganay kong kapatid at labin-isa naman sa sumunod. Natatawa na nga lang ako kapag naaalala ko yung nasabi ng tatay ng kaibigan ko nung hayskul na latak na lang daw ako ng tatay at nanay ko dahil sa layo ng agwat ng edad ko sa mga kapatid ko at dahil na din sguro sa mukhang Lolo at Lola ko na yung tatay at nanay ko kung magkakasama-sama kami. Ewan ko ba kung bakit hindi ko yun maitanong-tanong sa magulang ko. Kung bibigayan man ako ng pagkakataon na matanong at makahiling kung gusto ko magkaroon ng kapatid na babae na Ate, maisasagot ko lang ay isang malaking “Oo”. Oo, dahil sa gusto kong maranasan  ang pagkakaroon ng Ate. Isang Ate na maaaring lapitan kapag may problemang hindi masabi sa magulang, Ate na puwedeng mapagkwentuhan at mapagtanungan tungkol sa mga usaping pag-ibig (Haha!) at Ate na dadamay sa bawat saya at lungkot na mararanasan ko. Sa totoo lang, para sa akin mahirap maging unica hija sa isang pamilya, Bakit? Dahil parang bawat galaw ko eh monitored.  Bawal ang ganito, bawal ang ganyan. Dapat ganito, dapat ganyan. Yan ang napansin ko habang ako’y unti-unting nagkaroon ng kamuwangan. Pero pagdating sa mga kapatid kong lalaki, parang okay lang kahit anong gawin nila.  Makitulog sa bahay ng kaibigan, okay lang. Umuwi ng hating-gabi o madaling araw, okay lang din at pupunta ng party tapos iinom kasama ang mga kaibigan okay pa din. Kaya hindi maiiwasan na isipin ko na mas maraming puwedeng gawin ang mga kapatid ko kaysa sa akin eh at hindi pantay ang pagtingin ng magulang ko sa amin. Lumaki man akong kapiling mga magulang ko at dahil na din sa demands ng pagtatrabaho, naiiwan ako sa pag-aalaga ng Yaya. Kaya lumaki akong mas close sa Yaya kaysa sa magulang ko at hanggang sa natawag ko nang Mama si Yaya. Nakakalungkot man sabihin ngunit madalas talaga kami ng nanay kong magkaroon ng hindi pagkakaintindihan dahil sa maraming bagay na hindi namin napagkakasunduan. Hindi ko din talaga maintindihan, para kaming aso’t pusa at kinasanayan ko na din na ganun kami. Dapat nga kami ang close ng nanay ko at nagkakaintindihan  sa maraming bagay ngunit hindi ganun ang nangyari. Pagdating naman sa tatay ko, iba. Sa kanya ako nakakapaglabas ng mga hinaing kung meron man, mas nakakausap ko siya sa mga bagay-bagay. Kumbaga kabaligtaran siya ng nanay ko, kung ang nanay ko ay mabilis uminit ang ulo at madalas magalit, ang tatay ko naman ay mahinahon. Madalang lang namin siyang makitang nagagalit, masayahin kasi siya kaya kapag nagagalit siya, lahat kami ay natatahimik.

                 Marami akong gustong matupad ngunit para maisakatuparan ko ang mga iyon, kailangan kong mag-aral ng mabuti at makapagtapos (Haha!). Kung pagbibigyan ng pagkakataon, gusto kong mag-aral ulit at kumuha ng Masteral Degree pagkatapos ko sa kolehiyo tapos kukuha ng Post Doctoral kung kakayanin ko pa. Wala namang masama sa pangangarap eh basta alam ko sa sarili ko na may gusto akong matupad at may gusto akong patunguhan. :)

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.